Banyaga akong Agila na napadpad sa kabukirang binago na ng modernisasyon. Sa kabukirang iyon nakatira o namamalagi ang mga sisiw.Pero alam ko sa bandang huli, hindi magtatagal at magkakahiwa-hiwalay din sila. Pagkatapos nila ng Akademya. Dahil kagaya ko, dayo rin lang sila sa lupaing yaon. Bagamat apat o limang taon na rin silang nakikipaglaban sa masalimuot na takbo ng buhay. Dahil ayaw nilang isumbat sa kanila ang kanilang naging desisyon. Kahit hirap na hirap na ay pinipilit ang sarili na magpatuloy gayong banaag sa kanilang mga mata ang pait at lumbay. Mga hinaing na umaalingawngaw kapag sila ay iyong nakausap.
Dahil isa akong banyagang Agila, kaiba ang tingin nila sa akin. Ang mga mata at titig ko raw ay nakamamatay. Mga mabalasik na titig na wala namang ibang dahilan. Wala talaga! Ang mataas kong paglipad ay binigyan ng kakaibang kahulugan. Kaytaas daw ang aking ere. Hindi raw nila ako maabot, hanggang abot-tingin lamang. Nahihiya raw silang lumapit at kausapin ako. Tingin nila’y hindi ko sila kakausapin at pagbubuhusan ng pansin at atensiyon. Nag-aalangan silang lumapit dahil tingin nila’y nagpapakalayo-layo ako......malayong-malayo. Nabuo na nga ang impresyong masama at mailap akong Agila. Isang Agilang ayaw paabot sa tulad nilang sisiw. Akala nila’y ayaw kong mapantayan o mahigitan ang aking kinalalagyan. Para sa kanila ay isa akong uri ng ibon na kaligayang makita sila na sila’y nahihirapan o nalulungkot. Mga gawi at kilos ko raw ay animo isang mailap na tigre. Wala raw akong puso. Hindi raw ako marunong mahabag. Hindi ko raw kilala ang salitang awa. Wala raw akong konsiderasyon. Kaysakit marinig sa umpukan ng mga sisiw ang mga katagang “Mabait na raw ang Agilang iyon”. Ibig sabihin, masama pala akong Agila. Akala nila....tingin nila......palagay nila...ayon sa kanila.....para sa kanila....ang alam nila....
Ngunit hindi nila batid kung anong uri ng ibon, kung anong klaseng Agila ang isang kagaya ko. Oo, matalim tumitig ang mga mata ko. Mabalasik akong tumingin. Pero ano ang aking magagawa. Nilikha ako ng Maykapal na ganoon. Hindi ko ginusto na magkaroon ng ganong mga mata., mga titig. Oo, seryoso akong Agila. Bihira akong ngumiti at tumawa. Animo’y laging may iniisip. Hindi mo malirip kung ano ang nilalaman ng isip. Munti pa man akong inakay ay seryoso na ako sa buhay. Maraming pangarap. Punong-puno ng pangarap. Ngumiti man panandalian lamang. At kung makikita nyong tumawa, siguro ngayon na lamang. Ngayon na lamang talaga. Hindi raw maabot? Batid ng Diyos kung gaano kagusto ng Agilang ito ang makisalamuha sa mga sisiw, ang makipagkaibigan sa mga ito. Taos sa aking puso na bumaba mula sa himpapawid at makihalubilo sa mga sisiw. Minsan nga, ginusto ko na mabali na lang ang aking pakpak nang sa gayon ay madali kong maabot ang mga sisiw. Pero paano nga ba sasabihing nagpapakalayo-layo ako kung hindi pa tayo nagkakalapit? Matagal nang naghihintay ang Agilang ito. Matagal na. Ayaw kong gumawa ng unang hakbang dahil nga isa lamang akong banyaga. Hindi ko inibig na maging Agila ako at kayo’y sisiw. Mabait lamang ang kapalaran sa akin at nauna na akong maging Agila. Umayon lang sa akin ang tadhana at naging mabilis ang pagiging Agila ko. Pero pasasaan ba’t magiging Agila rin kayo. Na ang himpapawid na nililiparan ko ay maliliparan nyo rin. Alam ko iyon ay malapit na. Malapit na malapit na. Kaya nga gusto kong ibahagi ang ilan kong natutunan kung pano maging isang Agila. Gusto kong kayong mga sisiw ay maging ganap na ring Agila. Para pareho natayo. Walang mataas at walang mababa. Gusto kong maging bahagi ng inyong buhay, gaya ng pagiging bahagi ng ibang Agila sa akin. Dahil una pa lamang na makita ko kayong mga sisiw ay nagkaroon ako ng inggit dahil nagawa nyo ang hindi ko nagawa noon. Pero iba pala ang inyong interpretasyon. Iba pala ang inyong inisip para sa mga ginawa ko.Binigyan nyo ng ibang kahulugan. Batid ng Maykapal kung gaano kabanal at kataos ang aking hangarin. Oo, aaminin ko na kahit papano’y naging “bato” ang aking puso. Ngunit gaano man pala katigas nito’y lalambot sa isang patak ng ulan. At dahil sa isang pangyayari, nagkaroon ako ng alinlangan. Parang bang nabali ang aking pakpak at nahihirapang lumipad at umusad sa takbo ng buhay. At humingi ako ng sapat na panahon at lugar upang pagtagni-tagniing muli ang mga pangyayari. Panahon upang makilala muli ang aking sarili. Upang patatagin muli ang loob na nabuwag ng isang daluyong.
Ngayon buo na ang desisyon at pasya ng Agilang ito. Ang Agilang ito’y handa nang magpatuloy. At sa aking pag-imbulog sa kalawakan, naitatanong ko sa sarili:
“Bakit lagi na lang may paalam
lagi na lang may katapusan?
Bakit lagi na lang may tuldok ang pangungusap
hindi ba pwedeng kuwit na lamang?
Bakit kailangang tapusin ang awit
hindi ba pwedeng puro koro na lamang?
Bakit kailangang maupos ng kandila
hindi ba pwedeng lagi na lamang may ningas?
Bakit lagi na lamang may taglagas
hindi ba pwedeng tagsibol na lamang?
Bakit kailangang lumubog ang araw
hindi ba pwedeng pagsikat na lamang?
Bakit lagi na lamang may katapusan
hindi ba pwedeng umpisa at gitna na lamang?
Ayaw kong lisanin ang mga sisiw. Ayaw ko ring mabigo sa naging desisyon kong tulungan sila. Ngunit hindi natin hawak ang oras ng tadhana. At sa pagpilas ng pahina ng buhay ,magpapatuloy ako sa pagimbulog. Sa himpapawid, hihintayin ko ang inyong paglipad. Hihintayin ko kayong mga sisiw na maging ganap na Agila. Nang sa gayon ay sabay tayong lumipad sa kalawakan. At sa aking paglipad ay baon ko sa aking puso ang maraming bagay: ang payo ng isang sisiw, ang mga panahon at oras na inukol nya sa panahong ako’y nagugulumihanan. Salamat sa iyo. Salamat din sa isa pang “sisiw” na nagbigay inspirasyon upang magkaroon ng kulay ang aking buhay. Salamat sa iyo. Salamat din sa iba pang mga sisiw, tuluyan man o hindi na nasaktan, na naging bahagi ng aking buhay. Salamat sa inyo. Sana’y mapunan ninyo kung ano mang pagkukulang mayroon ang Agilang ito. Hihintayin ko kayo......at hanggang sa muli....hanggang sa muling paglipad ng AGILA.
Anolimous
March 15, 1998
No comments:
Post a Comment