Wednesday, July 30, 2008

Panliligaw

Ang pag kuha ng thesis adviser ay kagaya ng isang panliligaw. Gagawin mo ang lahat para mapa oo mo ang isang professor para pumayag na tulungan ka at iaadvise sa iyong ginagawang thesis. Ngunit paano kung ang nililigawan mo ay may sugatang puso at nag momove on pa lamang? Isusuko mo na lang ba ang panliligaw o ipipilit mo ang sariling ikaw ang piliin?

Kada simula ng semester hindi lang iisang grupo ang lumalapit sa akin para kunin akong thesis adviser? Isang pumapasok sa isip ko “siguro ayaw lang akong maging panelist ng mga batang ito”. Pero ano nga ba meron ang isang Mr. Noli M. Argente? Ang sagot wala. At isa pang wala. Wala namang kakaiba sa akin. Mas higit pa nga ang ibang mga prof dyan na mas mataas ang pinag aralan sa akin at sa magandang paaralan pa nagtapos. Mas higit ang kanilang nalalaman kung ikukumpara sa kung anong kaalaman meron ako. Pero bakit nga ba bigla naging bato ang puso ko para sumagot ng OO sa mga estudyante. Aaminin ko masakit pa rin sa ngayon ang sugat na dinulot ng nakaraang taon. Yun bang tipong pinili mo sila para ikaw ang maging adviser nila. Na tinulungan mo sila mula sa umpisa hanggang sa dulo ng kanilang thesis. Kaalinsabay noon ay ang gastos at pagpupuyat mo rin para suporthan sila. Ganyan ako bilang adviser dahil para sa akin isang mabigat na responsibilidad ang pag OO sa kanila. Na tutulong ako hanggang sa huli. Ngunit ano ang aking napala? Noong masiguro na nila na sila ay magtatapos na at tatanggap na ng Diploma ay unti unti akong sinakmal at trinaydor. Sa hindi ko malamang kadahilanan ay bigla na lang gumawa ng ingay para mapatalsik ako sa JRU. Bakit kulang pa ba ang itinulong ko sa inyo para ganituhin nyo ako? Hindi ba sapat ang aking pagkakasakit, puyat at sakripisyo para hindi nyo makita ang aking mga nagawa at naitulong? Ano ba ang nagawa ko at ginawa nyo sa akin yun? Masyado bang mali at makasalanan si Mr. Argente para makatanggap ng ganong pag trato? Mali ba ako at nag-alaga ako ng AHAS?...O isang asong akala ko ay bestfriend ko pero sya din ang tumahol, kumain at lumapa sa laman ko na gusto akong patayin? Do I deserve all these?

Sugatang puso…iyan ang mailalarawan ng estado ng buhay ko sa pagbukas ng klase at pagharap sa mga bagong estudyante. Ngunit hindi ko ipinahalata at hindi naman dapat. At gaya ng dati…marami na naman ang lumapit para kunin ako bilang thesis adviser. Ngayon pano ako sasagot ng OO?..Pano maghihilom ang sugatang puso? Pano ako mag momove on? May isang estudyante nagsabi sa akin…na ang gamot sa pusong sugatan ay bagong pagmamahal…isang pusong nagmamahal na handang magmahal ng tapat at lubos para maghilom ang sugatang puso. Aaminin ko maraming ganyan…Hindi man ako 100% sigurado pero parang totoo naman ang pagmamahal na iniuukol nila sa akin. Sabi nga, marami ang “nanliligaw”. At alam ko marami pa ang gustong “manligaw”. Sa sugatan at batong puso na katulad ng puso ko ngayon mahirap magmahal muli at pumili ng tamang grupo na pipiliin ko para aking i-advise. Mahirap piliin sa mga nanliligaw ang totoo at sino yung may personal na interest lamang. Siguro panahon ang makakapagsasabi. Pero sabi nga pagmamahal at tyaga ang kailangan para muling mapaibig ang pusong labis na nasaktan. Tyagang susubok sa kakayahan ng mga nanliligaw. Dahil sa huli ang matyaga at mapilit ang maakakatanggap ng matamis kong “OO”.

31 July 2008

Tuesday, July 22, 2008

Y E S O

“Pinili ko ang propesyong ito hindi lang para kumita, o magpahirap para makaganti sa mga taong nagpahirap sa akin noon, kundi para himukin ang mga kabataan na mangarap at abutin ang mga ito sa abot ng kanilang makakaya. Para magturo ng mga nalalaman ko”

Marami akong gustong sabihin sa iyo pero mahirap dahil baka isipin mong masyado akong “emo”, yun ang tawag ng mga kabataan sa madadrama ngayon di ba? Pero dahil gusto kong maintindihan mo ako, ito ang ilan sa mga bagay na nais kong malaman mo.

Nung una mo akong nakita sa klase, maaring natakot ka dahil akala mo terror ako o kung hindi man natuwa ka dahil naisip mong maswerte ka at maganda ang napuntahan mong section, ”effortless” para makapasa. Kung alin man sa dalawa ang naramdaman mo, sana hindi ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi ka pumapasok sa klase ko, tandaan mo IKAW ang gumagawa ng grades mo, tagaturo at taga-compute lamang ako.

Kung dumating ang panahon na sa tingin mo ay sobrang pinahihirapan na kita sa requirements, assignments, projects at walang kamatayang pagtawag ko sa iyo para mag-recite kahit minsan wala ka nang maisagot, wag kang mag-alala, may magadang idudulot sayo yan. Paglabas mo ng kolehiyo hindi lang yun ang mga kailangan mo para pumasa sa pagsubok sa buhay, ams malupit ang mundo sa labas. Siguro alam mo na yan sa ngayon, pero mas mahirap tumayo sa sarili mong mga paa.

Sa mga panahong pinagsasabihan mo ako ng mga bagay na hindi maganda sa likod ko, sana intindihin mo rin kung anong mararamdaman ko. Hindi mo ako maaaring piliting baguhin ang ugali ko para ibagay sayo dahil hindi rin naman kita pipilitin di ba?

Wag mong kakalimutan ang mga bagay na itinuro ko sa iyo, maaring hindi lahat yan ay magamit mo pero sinisiguro ko sayo na lahat ng yun ay kakailanganin mo.

Kung dumating ka sa puntong susuko ka na dahil sa tingin mo ay hindi mo na kaya ang lahat ng pabigat sa buhay mo, manalig ka at lumaban hanggang sa huling sandali. Kung madapa ka ayos lang yun tumayo ka na lang ulit, alalahanin mo palagi na wala pang taong naging matagumpay na hindi nabigo minsan sa kanilang buhay.

Pinili ko ang propesyong ito hindi lang para kumita, o magpahirap para makaganti sa mga taong nagpahirap sa akin noon, kundi para himukin ang mga kabataan na mangarap at abutin ang mga ito sa abot ng kanilang makakaya. Para magturo ng mga nalalaman ko. Salamat din sa mga natutunan ko sa iyo.

At sa iyong pagtatapos sa apat o limang taon na ginugol mo para maging isang propesyonal din na katulad ko, masaya ako kahit papano naging parte ako ng tagumpay mo. Higit sa anumang regalo o kasiyahan na nais mong ibigay, walang hihigit pa sa araw na makita kong hawak mo na ang diploma na minsang pinangarap mo.


23July2008

There’s Something About 1%

“Hindi lahat ng tama ay dapat..at hindi lahat ng dapat ay tama…”


Binigyan tayo ng kalayaan para hanapin ang ating kaligayahan. At ako sa estado na ito ay natagpuan ko ang kaligayahang hindi ko pwede ipagpalit sa ibang bagay. Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nagbabahagi ng aking kaalaman sa Jose Rizal University. Maglilimang taon na ring ganito ang aking buhay. Pagkatapos ng maghapong trabaho sa opisina ay sa school naman ako pupunta.

Mahirap makipaglaban sa isang digmaang mananalo ka lang kapag iniwasan mo ito. Ngunit sabi nga nila tila isang karuwagan kapag ginawa mo ito. Ngunit mas mahirap makipaglaban ng nag-iisa. Pakikipaglaban para sa isang bagay na para sa iyo ay tama ngunit sa iba ay mali. Aaminin ko minsan naisip ko na ring magbago at gayahin sila. Pero kahit ano gawin ko hindi ko mabaluktot ang aking prinsipyo at paniniwalang ito ang alam kong nararapat. Ito ang alam kong paraan para sa isang pagbabago. Pagbabago para sa adhikain kong matuto ang mga estudyante. Mahirap makipaglaban sa kaaway na palagi ka na lang ”ginagamit” at ”sinasamantala”. Kaaway na nakangiti pag nasa iyong harapan ngunit ito pala’y kaaway na lihim. Mga kaaway na walang ginusto kundi sabuyan ng putik ang iyong pagkatao, ang dumihan ang iyong pangalan. Bakit ganoon ang tao?..Madali silang makalimot sa nagawa mong kabutihan pero hindi nila makalimutan ang isang pagkakamali mo? Kung pagkakamali ngang maituturing ito.

Kahit kailan hindi ko sinabi na perpekto ako, magaling at walang bahid. Ngunit hindi rin naman mapapasubalian ang katotohanang malaki na rin ang aking naiambag sa ikagaganda ng Akademya. Malaking pagbabago ang naidulot nito sa kalidad ng edukasyong tinatamasa ng Unibersidad. Lagi na lamang pinamumukha sa akin ng “namumuno” kung gaano kasama akong guro…kung gaano karami “raw” ang nagrereklamo sa akin…ito ang matapang kong itatanong sa inyo….

.. .minsan ba kinausap nyo naman ang mga estudyanteng patuloy na naniniwala sa akin...?..... .nalaman ba ninyo kung ilang estudyanteng nakatapos na at ngayo’y magtatapos pa lamang ang humingi at patuloy na humihingi ng tulong para gawin akong thesis “adviser”?

...... Nagtanong ba kayo kung ilang estudyante na ang natulungan kong sagipin ang buhay…na nabigyan ko ng advise sa pamilya at sa buhay?..... Nakausap nyo na ba ang COMSOC kung ano ang nagawa ko na para sa kanila?
...... Ang mga konti kong kaalaman na galing sa mga karanasan ko sa industriya na naibahagi ko at hindi yung puro “theoretical” at umiikot lamang sa school na impormasyon… ?

....... Higit sa lahat nalaman ba ninyo kung gaano ka-dedicated at responsable ang inyong abang lingkod para sa mga estudyanteng nangangailangan ng gabay at pag-aalaga?

Minsan pa, hindi ako magaling,. I am not the best. I am a sinner not a saint. Hindi ako naniningil sa mga nagawa ko. Ang sa akin lang gawin nyo lamang sanang tama at pantay ang inyong pagtingin.

Mahirap ang giyerang pinasok ko. Na ang tanging panalo lamang ay kapag isinuko mo ito. May mga labang mahirap tapusin hanggang dulo. Mayroon namang sa kalagitnaan ay may natatalo na.Ngunit bakit minsan hindi pa nagsisimula ay talo ka na? Isa pa, hindi lahat ng giyera ay dapat labanan. May nagsabi sa akin duwag daw ako kasi hindi ako lumaban. Sabi ko sa kanya hindi ako duwag. Matapang ako dahil nakaya kong tanggapin ang sakit ng katotohanan na kahit makipaglaban ako talo pa rin ako.
Kung malaya lang ako...malayang baguhin ang sistema....ngunit sino ba ako? Ako’y isang munting tinig lamang na humihingi ng pagbabago. 1%...napakaliit ng tsansang magbago……..mahirap maabot…. …but I still believe in 1%... hindi natutulog ang Diyos….malay mo pag-gising natin kinabukasan…. iba na ang mundong ating gagalawan…maniwala tayo..there is always something in 1%.......

Anolimous
07August2007